Rod Gabriel | PinoyTrekker

Sabihin na natin na naging masuwerte ako dahil nakapaglakbay na ako ng tatlong beses sa labas ng Pilipinas. Nakarating na ako sa Thailand, Hongkong at Shanghai, China. Alam niyo bang marami kang matututunan sa paglalakbay? Kung hindi ka pa nakakapaglakbay sa labas ng bansa, irerekomenda ko na subukan mo habang bata ka pa.

Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangan mong maglakbay.

1. Babaguhin ng paglalakbay ang pananaw mo sa mundo.

Bunso ako sa tatlong magkakapatid. Pinalad akong makapaglakbay ng unang beses at makapagbakasyon sa Hongkong kung saan doon nakatira ang nakatatanda kong kapatid. May takot akong maglakbay ng mag-isa ngunit natuwa rin ako sa kadahilanang may kakaibang pakikipag-sapalaran akong haharapin sa pagpunta ko dito.

Mararanasan mo ditong matuto ng ilang mga salita na kakailangan mong gamitin sa pagbili ng pagkain. Gaya ng pagbili ng ‘kanin’ o steamed rice sa mga tindahan sa Hongkong. Ang ‘kanin’ o steamed rice ay ‘faan’ sa Cantonese.

Kung nawalan ako ng pagkakataon na maglakbay nung kabataan ko, mahihirapan akong isipin na may magaganda palang lugar maliban sa kinalakihan ko. Kapag nakapaglakbay ka sa ibang bansa at nakita mo na ang kakaibang kagandahan ng takipsilim sa ibabaw ng karagatan, mga arkitekturang wala sa Pilipinas at ngiti ng mga mamamayang nakatira dito, mauunawaan mo na marami pa palang kagandahan ang mundo na kailangan mo pang makita habang nabubuhay ka pa. Mauunawaan mo ang sinasabi ko kapag nasubukan mo na.

Manghihinayang kang maglakbay, kapag nagka-edad ka na. Nandiyan na yung sakit ng katawan at sakit ng paa sa kalalakad. Nandiyan na rin yung iniisip mo yung iniwan mong responsibilidad habang naglalakbay ka, gaya ng trabaho at pamilya.

Kung hindi ko alam ang sinasabi ko, hindi ko na sana isinulat pa ito at magsayang ng oras upang payuhan kang maglakbay. Nakita ko na ang ibang panig ng mundo. Masaya ako dahil naranasan ko.

2. Ang paglalakbay ang magbabago sa pananaw mo sa mga dayuhan.

Lumaki ako sa isang lugar na wala masyadong dayuhan. Ang karamihan sa mga nakilala ko ay doon na rin lumaki sa lugar namin, kagaya ko. Noong naglakbay ako, nalaman ko ang iba’t ibang kultura. Naunawaan ko na ang buhay pala natin ay mas magkakaroon ng kabuluhan, kapag nagkaroon ako ng mga kaibigan na may iba’t ibang pananaw, pagkilos, pananalita at kultura. Natutunan kong mawala ang takot sa paglakbay, at unawain na ang karanasan ay pinakamahalaga sa lahat.

3. Ang paglalakbay ang magpapaunawa sa iyo na ang buhay ay hindi umiikot sa iyo.

Habang nagkaka-edad na ako, mas lalo kong nauunawaan na kakaunti lamang ang alam ko tungkol sa buhay. Dapat mawala sa isipan natin na marami na tayong nalalaman. Ang paglalakbay ang magbibigay sa iyo ng kakaibang pagsubok. Nararanasan mong maligaw at natututunan mo ding asahan ang sarili mo na gumawa ng paraan upang makapunta ka sa iyong paroroonan o makabalik sa pinanggalingan. Hindi umiikot ang mundo sa iyo, kakailanganin mong maintindihan na isang tuldok ka lang dito.

Hindi ko sinasabi na hindi ka mahalaga. Gusto ko lamang buksan ang iyong kaisipan na marami ka pang kailangang matutunan mula sa mga taong makakasalamuha mo o sa mga mararanasan mo. Kailangan mong maranasan na mawala at tanggapin na hindi lahat ay alam mo.

4. Ang paglalakbay ay isang hamon

Ang paglalakbay ay magtuturo sa iyon na maging magpakumbaba. Mauunawaan mo na marami kang magagawa, na sa unang hinagap mo ay hindi mo kakayanin. Posibleng, sumubok ka ng bungee jumping sa ibabaw ng mataas na tulay o lugar, o umakyat ng isang matarik na bundok o dili kaya’y magcommute, at magbasa ng mga street signs na naisulat sa ibang wikang kagaya ng Cantonese o Mandarin.

bungee

Ang pagdaig sa takot ang magtuturo sa iyo na kaya mo. Magandang matuto ng mas maaga, kaysa kapag matanda ka na.

5. Ang paglalakbay ang magsasabi sa iyo na maraming naghihirap sa mundo.

Noong bumiyahe ako papuntang Hongkong, nasaksihan ko ang isang habulang nagaganap sa isang kalye doon. Naroong habulin ng mga pulis Hongkong ang isang mukhang probinsiyanong Chinese na may dala dalang paninda. Nangyayari pala ito kapag pinagsusupetsyahan na illegal na tumawid ang isang mamamayang nagmula Mainland China papuntang Hongkong o dili kaya’y nag-overstay ito.

hk police

Nasaksihan ko din ang isang Caucasian na namamalimos sa isang publikong lugar. Bagama’t may nababasa na akong mga Caucasian na namamalimos dito sa atin. Doon ko unang nasaksihan ito, na tila bihirang mangyari sa tunay nabuhay. O sadyang sarado lang masyado ang isip ko sa sitwasyong ganito.

Noong nasa Shanghai naman ako, nilapitan ako ng isang matandang pulubing Chinese habang bumibili ako ng prepaid train card sa isang machine sa istasyon ng tren. Doon mo malalaman na may mahihirap din pala sa lugar na mga binanggit ko.

beggar shanghai

6. Ang paglalakbay ang makakapagpatunay kung ano ang mga naisulat sa mga aklat

Hindi ako yung tipo ng mag-aaral na mahilig sa History. Pinipilit ko lang isaulo ang mga pangalan, lugar at petsa ng mga pinangyarihan. Tinatamad akong magbasa ng mga aklat tungkol dito. Ang paglalakbay pala ang magbibigay sa iyo ng makabagong pananaw sa ibang bansa at kung ano ang naging kasaysayan nito. Nabubuhay ang kasaysayan kapag naglakbay ka. Ang mga kuwentong dati mong nababasa, ay nagiging makabuluhan kapag narating mo ang mga lugar na ito.

7. Magiging ‘street-smart’ ka.

Maraming maituturo sa iyo ang paglakbay na pupuwede mong gamitin sa pang-araw araw.  Ika nga nila, iba pa rin ang ‘street-smart’ kumpara sa pagiging ‘school-smart’.

8. Magiging responsable ka.

Ang paglalakbay ang magtuturo sa iyo na maging ‘independent’. Ang lahat ng bagay at sitwasyon ay nakasalalay sa iyo. Kahit planadong biyahe, pipilitin mo pa rin na maging ‘systematic’ sa pagkilos mo. Matututo kang mag-haggle o ‘tumawad’ sa mga binibili mo upang hindi maloko at makatipid.

Maging matalino, mga tanga ang nagpapaloko.

9. Tanggapin mong tumatanda ka na, Enjoyin ang buhay habang bata pa.

Malimit tayong napipigilang maglakbay dahil naiisip natin ang kaakibat na gastos nito, at iniisip din natin ang ibang prayoridad natin. Isa ding pagkakamali ang hindi gumawa ng pagkakataong maglakbay sa ibang bansa. Marami pa akong gustong puntahan bago ako mawala sa mundong ito. Ibayong ligaya ang ibibigay ng paglalakbay sa iyo. Subukan mo.

Follow my other blogs in FoodFindsAsia, BravoFilipino and GoGaGaH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here